ilang pagmumuni-muni

Kayhirap ng situwasyon ngayon ng Pilipinas. Sa katangahan ng ilan, napakarami tuloy ang nagdurusa.

***

Natatakot ngayon ang mga overseas Filipino workers sa dating kolonya ng Gran Britanya na baka sila ang pagbuntunan ng galit ng mga taga-Hong Kong dahil sa naganap na kapalpakan ng mga pulis at maging ilang pulitiko sa pangho-hostage na naganap sa Luneta, ilang araw na ang nakararaan.

Bagaman hindi natin masasabing mayroong direktang kasalanan ang media sa nangyaring trahedya, kailangan din sigurong repasuhin natin ang ilang protocols sa pagtugaygay sa balita. Dahil sa kabiguan ng ilan na iregularisa (basahin: huwag maging hayok sa scoop) nakahanap tuloy ang reaksiyunaryong gobyerno na isakamay nila ang pagkontrol sa ilang aspeto ng midya sa panahon ng krisis gaya nang naganap noong Agosto 23.

***

Hindi na muna tayo magpapalawig sa dahilan kung bakit ang mainstrean at ilang alternative media (kuno) ay hayuk na hayok sa balita kahit maging dahilan pa ito ng ilang kapahamakan. Mahaba-habang talakayan kasi yan. Pero sa gabing ito, isa lamang ang masasabi ko sa nagaganap sa Pilipinas: Aysusmaryosep! Kailan ba talaga tayo matututo?

desap

tinalunton namin ang dinaanan
ng tumatalilis mong aninong
bitbit ng kung sinong haragan.
subalit hindi ka namin natagpuan.

hinalughog namin ang bawat sulok,
ang bawat kalye, ang bawat kampong
maaring sa iyo’y pinagdalhan
subalit wala ka, wala ka roon

ipinagtanong ka namin
sa araw at mga bituin
sa bawat damo at bulaklak
sa bawat krus sa libing

subalit

wala
silang kibo

at

hindi

mainguso

kung saan ka
nagtungo.

gayon pa man
patuloy ka naming hahanapin
sa bawat sulok at bawat kanto
ng aming puso’t isip

patuloy kaming magtatanong,
mag-uusisa at mag-uusig
sa mga tumangay sa iyo
upang ikubli sa muni at malay namin
at
hindi
kami
tutugot
hanggang
hindi
ka
namin
natatalunton,
dito, doon,
o sa dako pa roon!

at patuloy kaming maghahanap

para sa inyong nawawala…

sapagkat patuloy naming
sinasamyo ang amoy mo
sa bawat lansanga’t
eskinitang inaamala naming
iyong nilakara’t kinapadparan.

umaawit kami ng talindaw
at mga tagulaylay
tinatawag namin ang iyong pangalan
sa pagitan ng pagsigaw at pananambitan.
nasaan ka na nga ba?

inaapuhap ka namin
sa aming mga bangungot
at mga panaginip – sa gabi man
o katanghaliang-tapat
puso’y binibiyak ng mga isipin.

paano kung ang makita’y
bangkay na agnas
sa mababaw na libing?
o kalansay na nakapiit
sa balong malalim?

nasaan ka na nga ba?
sana’y nasa piling ka ng mga aba
at wala sa madidilim na karsel
o sa mababaw na tunel
o sa umaalingasaw na imburnal.

lalakad na muli kami,
mga kasamang nawawala
para ipagtanong kayo’t
hanapin kahit sa pusikit na kadiliman
ng walang bituing hatinggabi

ang pag-asa’t paglaban
sa aming puso’t isipan
ang magsisilbing tanglaw
pasasaan ba’t matatagpuan din
ang inyong kinaroroonan

o kung hindi man kayo matagpuan–
sila na ang hahanapin namin
silang may kagagawan
sa inyong hindi paglitaw!

“Kasunduan”

Inilagda ang luhasa kapirasong papel
na puso kung tawagin
ang kasunduan
ay tinawag na pagmamahalan
ang taling naggapos
ay tilamsik ng laway
ngunit kahit anong gawin –
sarili’y hindi na mapawalan!

tagulaylay sa Luneta

walong buhay ang nautas

dahil sa ulong nabaribat

bunga ng inhustisyang

bulag at makupad.

***

sino ang dapat sisihin

sa dugong dumanak?

ang suspek? ang mga pulis?

o ang lipunang balintuwad?

***

ang dasal ng puso

kapahingahan ng kaluluwa.

ang sigaw ng utak –

tunay na hustisya!

***

hiling ng damdamin

sana’y huwag nang maulit

ang krimeng malagim

sana’y dinggin ng langit.

Patlang

Matagal na rin nang huli tayong magkita
Panahon iyon ng pagkaulol
sa mga datos at pagtipa ng mga balita.
Sa isang sulok ng pasulatang iyon
Napupuno ng iyong tinig
at tipa ng makinilya ang bawat dingding,
palikuran, bodega, komedor,
salamin, computer, printer
coupon bond, pisara at pambura,
puso, isip, apdo at kaluluwa.
Dumadagundong iyon
na parang alimpuyo ng kulog
sa pagbabanta ng isang pag-ulan.

“Kailangang maging malinaw
ang bawat sulatin,” ang sabi mo,
“sapagkat ang masa ang babasa.”
Hindi para sa mga panginoon ang bawat titik mo,
ang bawat kuwit, tuldok, at bawat panandang
sumusugat sa screen at nag-uukok sa papel
Kundi sa katulad mo ring busabos,
hungkag ang tiyan, at humpak ang pisngi
bunga ng kahirapan.

Magpahanggang ngayon
Naalala ko kung paano ka sumigaw
Bumulong dahil sa ilang pagkakamali
sa layout, sa linya, sa semantika
ng mga artikulo’t balita.
Kailangang pulido ang bawat salita
Dahil masa ang babasa.

Hindi ko nasabi sa iyo
na ang bawat mura’y latay
sa aking batambatang kaluluwa.
Nanliliit ako sa bawat panahong
sasabihin mo ng “Tanga”
At babatuhin ng mataginting na “Putang ina!”
Tinitiis ko dahil alam ko
na pagkatapos ng ilang minuto ng pagliyab
ay huhupa ka at hihingi ng paumanhin.
Hagyang titigil ang pagdurugo ng puso
at ng aking mababaw pang puyo.

Magaling na ang bawat sugat
Mainam na pampagaling
Ang marahang mga kataga
ng pagpapaumanhin at pagtuturo
at pagwawasto.

Kaya naman sa bawat pagsalat sa pilat
na likha ng mga salita’y
nararamdaman ko ang pagtibay ng isip
at pagtatag nitong dibdib.
At para bang itak na niliha’t pinatalas
ang aking titik at paninindigan.
Gayunman, isang mahabang sugat
ang palagi kong iniinda.
Iyon ay ang mahabang patlang
sa tuwing ako ay nag-iisa at naiisip kita.
Naiisip ko, sana’y nandito ka -
Upang muling iwasto ang bawat letra
ang bawat kuwit at ang buong semantika
ng aking artikulo dahil masa ang babasa.

Kumusta ka nga pala ulit, Ka Bay?

Ambon at mga alaala

mahinang ambon ng mga ala-ala, pagbabalik ng mga kamay ng orasan sa loob ng isipan

MARAHIL, ang tag-ulan ay isang panahon ng pagbulwak ng mga ala-ala. Pagtatagpo ito ng mga puso’t isip — parang sa langit, ang maalab na pagtatagpo ng malamig at mainit na hangin na magiging kulog at sagitsit ng kidlat; bumibingi sa puso sa panahong katahimikan at ng pag-iisa.

***

Hindi ko masyadong gusto ang haiskul. Maraming mapapait na pangyayaring nangyari sa akin sa panahong inilagi ko sa isang pribadong paaralan sa isang bayan ng patis, bagoong at toyo. Hindi ko na babanggitin pa kung anu-ano ang mga iyon subalit aaminin kong marami akong gustong balikan sa paaralang iyon na mayroong nabubulok na mga kasilyas, maruming mga pasilyo, at isang basketball court na mabuhangin.

Gusto kong balikan ang ilang mga pangalang isinulat sa ilang pahina ng libro ng aking mga ala-ala.

***

Lagi siyang umiiyak noon sa panahon ng algebra at accounting subjects. Isang payat na babae si M. Nakasalamin. Naka-retainers. Isang average school kid na gustong makatapos ng pag-aaral, makapagtrabaho’t makabuo ng isang maayos na pamilya.

Bagaman nagkasama kami nang matagal-tagal, hindi ko siya ganoong kakilala. Maliban lamang sa ilang hibla ng kanyang hagikhik, ngiti at anag-ag ng kanyang anino sa tuwing sumasapit ang hapon.

***

Nagkatagpo kaming muli sa makulay at masalimuot na mga pahina ng Facebook. Parang si B., malungkot ang ilang bahagi ng kanyang buhay pagdating sa relasyon at pag-aasawa.

Bagaman maraming tanggap ang pagiging hiwalay sa asawa, marami pa rin namang iba na humuhusga sa kanila.

“Ang pinagsama ng Diyos ay huwag papaghiwalayin ng tao*,” ang agad nilang sasabihin. Paano kung malademonyo na ang pagsasama ng mag-asawa dahil sa pangangalunya o pakikiapid?

Ang tugon ng ating Panginoong Hesukristo tungkol diyan:

At sinasabi ko sa inyo, Sinomang ihiwalay ang kaniyang asawang babae, liban na kung sa pakikiapid, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing yaon na hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.**

Dahil masakit para sa isang babae o isang lalaki na matuklasan na ang kanyang asawa’y nakikiapid — masisisi mo ba silang magpasyang makipaghiwalay sa kanilang mga asawa? Masisisi mo ba si M.? Sapagkat ang puso’y nagmamahal kung kaya’t nasasaktan at mayroong kirot na mawawala lamang sa pagbubusbos.

At muli, naalala ko si M. na isang simpleng babaing nasa haiskul. Umiiyak kapag nakakagalitan ng titser at ngayon ay lumuluha siya, hindi bilang isang estudyante sa paaralang iyon sa isang bayan sa Kamaynilaan na kilala sa kanilang isda, patis, toyo’t bagoong — kundi bilang isang ina’t mag-aaral ng buhay.

Sa pagpatak ng ambon sa aking bubungan (ulan na bumubunghalit ngayon), nakikiiyak ang aking kaluluwa sa kanya at umaasang sa takdang panahon, sisikat din ang kanyang araw at ngingiti siya kagaya ni Pebo sa dakong silangan.

Poetry Therapy

Marahil, marami sa atin ang buryung na buryong na sa buhay. Maraming hinanakit at sama ng loob, tampong totoo at tampong pururot. Ang negatibong mga saloobin ay nagdudulot ng kirot sa diwa’t damdamin. Paano maiibsan? Bakit hindi mo tulain?

Matagal nang ginagamit ang tula para pagalingin ang karamdaman sa isip, puso at kaluluwa ng tao.

“Poetry Therapy, or poetry which is used for healing and personal growth, may be traced back to primitive man, who used religious rites in which shamans and witchdoctors chanted poetry for the well-being of the tribe or individual,” sabi ng informational website na poetrytherapy.org na pinatatakbo ng The National Association For Poetry Therapy ng Estados Unidos ng Amerika.

Sa Ehipto, anang NAPT, naisadokumento ang paggamit ng tula sa pagpapagaling ng mga mayroong karamdaman. Gayunman, tila kakatwa ang pamamaraan ng paggamit ng mga Ehipsiyo sa tula, noong ika-apat na milenyo bago ang karaniwang panahon (before common era), sa paggamot ng mga karamdaman.

Sinasabing isinusulat ng kanilang pari ang tula sa papyrus o papel at ipinakakain sa maysakit para agad na magkabisa.

Sa Israel, ang tula at awit ng batam-batang na pastol na si David (na magiging hari ng Israel), ang nagpakalma sa galit ni Haring Solomon, petsang 1030 B.C.E.

Noong unang siglong panahon ni Kristo (Anno Domini), naunang gumamit ng “kapangyarihan” ng tula para gumamot ng karamdaman ng tao ang Romanong duktor na si Soranus. Sa Europa, siya ang kinikilalang kauna-unahang poetry therapist.

Gamit ang trahedya at komedya, pawang dulang patula at mayroong awitan at sayawan, tila nalalapatan ng lunas ang depresyon ng isang tao.

Kaya nga hindi na dapat pagtakhang sa mitolohiyang Romano, si Apollo ang tinaguriang panginoon, kapuwa ng panulaan at medisina dahil nagkakatuwang ang dalawang ito para pasiglahing muli ang katawan at isip ng taong nagsisimula nang manlumo o manglupaypay.

Sa Pilipinas, hitik na hitik sa kasaysayan ng panulaan ang mga inkantasyon o panawagan sa mga diyos ng ating mga ninuno ang mga babaylan at mambabaki upang tulungan silang manggamot.

“Dagang malaki, dagang maliit, ayto ang ngipin kong sira na’t pangit, sana ay bigyan mo ng bagong kapalit,” anas ng isang batang nabungi at umaasam na muling mabuong muli ang kanyang ngiti.

Ang nabanggit na sitas ay pinaniniwalaang matanda nang uri ng bulong (incantation) na ginagamit ng mga tao rito sa Pilipinas. Pinapalitan ng mga katagang iyon ang kirot ng pag-asang magkakaroon ng ngiping nawala ng kapalit—mas maganda, mas maputi’t mas matibay.

Taong 1972, nang malathala sa Time Magazine ang isang artikulo tungkol sa poetry therapy na nagsasabing malaki ang naitulong ng pagbabasa’t pagsusulat ng tula sa pagpapalusog ng isip ng isang nasa asilo (mental asylum), bilangguan, mga delingkuwenteng estudyante, at residente ng mga nursing home o paalagaan ng mga maysakit at matanda.

Ang pagsusulat ng tula ay nakatutulong sa agresibo at naguguluhang mga estudyante na makontrol ang kanilang magulong emosyon, pagsipi ng Time Magazine sa ulat ng prestihiyosong journal na Sciences.

Ulat pa ng Time, isang babaing estudyante na dating nalulong sa ipinagbabawal na gamot mula sa Washington Irving High School sa Manhattan, na gustong paghigantihan ang mga guidance counselor na pinaniniwalaan niyang nagdala sa kanya sa pagkariwara ang pinasulat ng tula. sa tulang iyon, isinulat niya ang kanyang galit: “I don’t like what you’ve done/ I’ll put you all up against the wall/ And execute you all./ I’ll have you destroyed./ Remember, it’s you all/ I intend to kill.” Matapos niyang maihinga sa pamamagitan ng mga taludtod (line) ang galit niya, kumalma siya’t hindi na naisipan pang buntalin ang sinasabing “nagligaw” sa kanya sa maling landas dahil sa huwad na pag-asang ibinigay nila sa kanya.

Walang tiyak na sagot kung bakit nakatutulong para mapagaling ang karamdamang pangkaisipan at pangkatawan ng tao ang tula. Marahil, dahil sa aliw-iw at alingayngay ng salitang ginamit sa mga ito kung kaya napagagaang ang mabibigat na pasaning dala-dala ng isang kaluluwa. Kung kaya:

Kung ibig hilumin
Ang sugat sa puso
Hayaang haplusin
Ng salitang may pagsuyo.

Apoy sa kaluluwa’y
Mapaparam, masusugpo
Sa patak ng salita,
Sa ulan ng berso.

Ang pagkaluoy ng isip
Dahil sa dusa’t hapis
Hayaang pasasariwain
Ng tulang marikit.

Kaya nga hayaang
Haplusin ang pagal na diwa
Ng mapaghimalang kamay
Ng Diwata ng Tula.

Paghilom ng tula
Noel Sales Barcelona
Antipolo City, 24 Agosto 2010

Kuwintas ng mga Salita: Isang sulyap sa sining ng tula

Write in such a way as that you can be readily understood by both the young and the old, by men as well as women, even by children…

- Ho Chi Minh[1]

BUNGAD-SABI. Minsan, nasabi ng isang batang makata na ibig niyang maniwalang ang tula ay hindi para sa nakararami, alalalong baga ay para sa malawak na masang sambayanan, dahil sa tayog ng diwang bitbit ng pinagkabit-kabit na salita na iniayos sa mga taludtod at saknong.

Marahil, totoo ito sa isang banda, sapagkat nakararaming Pilipino pa rin ang salat na salat sa kaalamang pang-akademya bunga na rin ng kawalang kakayahang makatuntong man lamang, o makatapos ng haiskul.[2] Malaking bahagi kasi ng populasyong Pilipino’y lublub na lublob pa rin sa karalitaan.[3]

Higit pang nakadagdag sa pasanin o hirap ng mga mambabasa para maunawaan ang lasa at anyo ng tula ang mga katuturan (meaning) na ibinigay ng mga talatinigan o diksiyunaryo at maging ng ilang encyclopædia sa sining na ito:

1. a composition in verse, especially one characterized by the use of heightened language and rhythm.[4]

2. A metrical composition; a composition in verse written in certain measures, whether in blank verse or in rhyme, and characterized by imagination and poetic diction; contradistinguished from prose; as, the poems of Homer or of Milton.[5]

3. a form of literary art in which language is used for its aesthetic and evocative qualities in addition to, or in lieu of, its apparent meaning.[6]

“Pinatayog na mga salita”, “komposisyong metrikal o mayroong sukat”, “tugma”, at kung anu-ano pang makukulay na salitang pilit idinamit sa tula: ang mga ito ang lalo pang nagbigay ng hiwaga o misteryo sa sining na ito, kung marami ang “takot” o “nangingilag” sa sining ng pagtula.

Kagagawan na rin marahil ng “pagmamataas” ng ilang makata kung kaya ang tula ay nananatili sa kamay ng iilan—hindi sa kamay ng masa na dapat sana ay patuloy na nagpapayaman sa mga ito dahil sa kanila naman talaga ito nagsimula.

♦♦♦

MAIKLING KASAYSAYAN NG PANULAANG PILIPINO. Sabi ng makata at dakilang lider obrerong si Gat. Amado V. Hernandez (Setyembre 13, 1903 – Marso 24, 1970), bahagi ng katutubong kultura ng mga Pilipino ang pagtula, hindi pa man lumulunsad ang dayuhang mananakop sa dalampasigan ng Pilipinas.[7]

Hindi malinaw kung kailan at kung paano nagsimulang tumula ang mga Pilipino. Basta’t ang pagkakasalaysay ng mga istoryador gaya ni Teodoro A. Agoncillo, halos lahat gawaing pampanitikan sa bansang Pilipinas, bago dumaong dito ang mga Kastila ay mayroong langkap na tula, partikular ang sa mga Tagalóg. Ang kanilang mga sabi, sawikain, bugtóng, suliranin, indulanin, talindaw, diyuna, kumintáng, dalít at umbay, tagumpáy, balikungkong, dupayanin at hiliraw, uyayi at hele, ihiman, tagulaylay, tigpasin, at kutang-kutang ay pawang tulang paawit kung bigkasin.[8] Mayroon na rin ang mga sinaunang Pilipino ng tulang relihiyoso o pang-relihiyon, na nababatay sa kanilang pamahii’t pananampalataya.[9] Bukod sa pasalitang panitikan (oral literature), mayroon din ang sinaunang mga Pilipino na nasusulat na panitikan, kabilang dito ang kanilang mga epiko at awit, na pawang mga tulang sinaliwan ng tugtugin.[10]

♦♦♦

PINAKA-“INA” NG SINING NG PANITIK. Dahil dito, maaaring sabihin na ang panulaan ang pinaka-ina ng panitikan, hindi lamang ng Pilipinas kundi maging ng ibang mga bansa. Gaya ng sabi ng dalubgurong Amerikanong si Michael Meyer,

Although no one can point to the precise origins of poetry, it is one of the most ancient of the arts, because it has existed ever since human beings discovered pleasure in language (Bagaman walang makatuturol sa tiyak na pinagmulan ng panulaan, [masasabing] isa ito sa pinakamatandang [uri o anyo] ng sining, dahil umiral na ito sa pagkakatuklas ng mga tao sa kasiyahang hatid ng wika).[11]

Ayon pa sa libreng encylopædia na Wikipedia, kung sining ng pagtula ang pag-uusapan, nauna pa ito kaysa sa kakayahan ng mga tao na magsulat at magbasa (literacy), [12] dahil karamihan ng tulay pasalaysay o epiko, ay pawang binibigkas lamang, at hindi nasusulat, gaya nang sa Pilipinas.[13]

♦♦♦

KOMUNAL, HINDI INDIBIDUWAL. Hindi gaya ng pagkakaunawa ng ilan, ang panulaang Pilipino at maging ang iba pang anyong pampanitikan sa Pilipinas, ay walang katangiang “mapag-isa” o indibiduwalista.

Sabi nga nina Panganiban, et al.,

Ang panitikang Pilipino ay pahayag na pasalita o pasulat na mga damdaming Pilipino hinggil sa pamumuhay, pag-uugaling panlipunan, paniniwalang pampulitika, at pananampalatayang niyakap ng mga Pilipino. (ang pahilig ay inilagay ng awtor.)[14]

Sa madali’t sabi,  nagpapakita ng kolektibong damdamin, kaisipan at katutubong karunungan (folk wisdom of the race), ang mga kantahin at salaysaying Pilipino, na siyang pinakakatawan ng panulaang Pilipino, noong unang panahon.[15]

Paliwanag nga ni Meyer,

Thus, from its very beginnings, poetry has been associated with what has mattered most to people (Kung gayon, mula pa nang kanyang pasimula, iniuugnay na ang panulaan sa mga bagay na mahalaga sa mga tao o mamamayan.)[16]

Katulad din ng pagbibigay-diin ni Alberto S. Florentino sa kanyang sanaysay na nalathala noong 1964:

Literature is a social institution: It is created by the writer, who is a member of society. Its medium is language, which is social creation. It represents life, which is social reality. It is addressed to men who form a social body. It is centrally conditioned by social and other forces and it, in turn, exerts social influence. (Isang panlipunang insitusyon ang panitikan: Nilikha ito ng manunulat na kasapi ng lipunan. Ang gamit nitong padaluyan (medium) ay ang wika, na likha ng lipunan. Inihahain nito ang nagaganap sa buhay na siyang reyalidad ng lipunan. Hinubog ito, partikular, ng panlipunan at iba pang mga puwersa, na sa bandang huli, ang panitikan naman ay magbibigay ng kanyang impluwensiya sa lipunang kanyang pinagmulan.). (Isinuplay ng awtor ang italiko.)[17]

♦♦♦

ANG PAGDATAL NG INDIBIDUWALISTANG PANANAW SA PANULAAN AT SA PANITIKAN, SA KABUUAN. Walang malinaw na kasaysayan kung kailan nagsimula ang kaisipang indibiduwalista sa panitikan o maging sa sining sa kabuuan; subalit malinaw na naglalagos sa bawat aspeto ng buhay ng bawat tao ang anyong ito ng sinasabing “awtonomiya,” o pagsasarili.

Ang indibiduwalistang pananaw ay ang isa sa pinakamatingkad na reyalidad na nananalasa ngayon sa mundo ng sining at panitikan. Pag-amin ng anarkista at bohemyong manunulat na si Oscar Wilde,

“Art is individualism, and individualism is a disturbing and disintegrating force. There lies its immense value. For what it seeks is to disturb monotony of type, slavery of custom, tyranny of habit, and the reduction of man to the level of a machine.”[18]

Gayunman, malinaw na mayroong kinalaman ang kapital o ang pag-unlad sa gamit at moda ng produksiyon kung bakit nagkakaroon ng “pagkakahati-hati” sa kaisipan ng mga mamamayan na dati naman ay nag-iisip nang kolektibo.

Sabi ng Encyclopedia of Marxism,

The growth of individualism in the 18th century played a crucial role in further bolstering the development of bourgeois society upon which it had been founded, and the thorough breakdown of feudalism… In Tribal Society, individual consciousness is absent, and only begins to develop on the basis of a social division of labour and in particular, the emergence of private property… (Ang paglago ng indibiduwalismo sa ika-18 siglo ay mayroong mahalagang papel na ginampanan sa pagpapaunlad ng burgis na lipunan, na siyang pinag-ugatan nito at maging ng tuluyang pagbagsak ng piyudalismo… Sa Lipunang Tribo, hindi maaapuhap ang kaisipang indibiduwalista, at nagsimula lamang itong umunlad sa batayan ng dibisyong sosyal ng paggawa at sa partikular, sa pag-usbong ng pribadong pag-aari…) – sa awtor ang pagdiriin.[19]

♦♦♦

TULA AT LIPUNAN. Dahil ang indibiduwalismo ay kontra sa kagalingang panlahat, hindi ito ang dapat manaig sa utak at puso ng manunulat, bagaman ang gawaing pagsusulat ay isang gawaing suhetibo o nakadepende lamang sa indibiduwal na pag-iisip at damdamin.[20]

Ani Jose Ma. Sison, rebolusyonaryong makata at isa sa pinakamahahalagang Marxista sa daigdig, na bagaman mahalagang sangkap, na angat sa lahat, ang pagsusulat o panitikan,  dapat na mabatid ng mga manunulat hindi ito hiwalay sa pulitika at pulitika, na bahagi naman ng kabuuang hibla ng lipunan.[21]

Kung kaya nga, sabi ni Amado V. Hernandez sa kanyang pambungad na sanaysay sa katipunan ng kanyang mga tula na pinamagatang, “Isang Dipang Langit,”

“Ang tula ay hindi pulos pangarap at salamisim. Di-pawang halimuyak, silahis, aliw-iw, taginting at alingayngay. May kagandahan din sa kapangitan, kung paanong ang brilyante’y nabuo sa sinapupunan ng maitim na karbon.”[22]

Pagbibigay-kahulugan ng makatang si Noel Sales Barcelona sa tinuran na ito ni Hernandez na,

…ang tula ay nararapat na tumalakay hindi lamang sa tamis ng pagmamahalan, kagandahan ng kalikasan, kirot ng kabiguan sa pag-ibig kundi dapat din nitong lamanin ang mapapait na karanasan ng mga tao sa isang lipunan.[23]

Pagpapalawig pa ni Barcelona,

Lahat ng sumikat na akda ay panlipunan, hindi pag-ibig sa pag-ibig lamang. Halos lahat ng tulang nakintal sa isip ng mga mambabasa, noon at ngayon ay hindi naman tula ng pag-ibig, pagsinta, takot—kundi mga tulang mabagsik na tumatalakay sa mga katotohanang umiiral sa lipunang Pilipino at nagpapaalaala sa mga pagpapahalagang unti-unti nating nalilimot dahil na rin sa ating pagkalulong sa kaisipang makadayuhan.[24]

Bagaman pinipilit ng ilan na ang tula ay dapat magtaglay lamang ng magagandang bagay, ng paglalambinga’t pag-iibigan, hindi ito ang minamarapat ngayon ng panahon. Ang tunay na halaga ng pagtula ay kaiba sa pagpapaalab lamang ng pag-ibig at paglibog kundi kung paano nakatutulay ang bawat taludtod at saknong sa malawak na sambayanang dating pinagmulan nito. Sabi nga ni Alexander Martin S. Remollino, progresibong makata at peryodista mula sa Laguna, Pilipinas,

Hindi na lamang ako tutula

kung ang ipatutula lamang ninyo sa akin

ay tungkol sa pagsasalubong ng mga titi at puki,

o tungkol sa tamis ng unang pagdadaupang-labi.

Hindi lang iyan ang katula-tula,

marami pa ang higit na katula-tula –

lalo na sa mga panahong ito

ng pamamayagpag ng mga kuto’t lintang

nagbabalatkayo bilang mararangal na tao.

At ayaw kong itong aking panulat

ay maging isang baril na walang bala,

kaya’t hindi na lamang ako tutula

kung ang ipatutula lamang ninyo sa akin

ay tungkol sa pagsasalubong ng mga titi at puki,

o tungkol sa tamis ng unang pagdadaupang-labi.[25]

Ano nga ba ang halaga ng tula? Sabi nga ng rebolusyonaryo at kritikong si Gelacio Guillermo,

Ano ba ang halaga ng tula sa lipunan? Ipinaliwanag na ito nina Lenin, Mao Zedong at ng makatang Aprikanong Aime Cesaire, at nitong huli’y ng Latinong Amerikanong manunulat na Eduardo Galeano, na nagwika: “Ang sabihing mababago ang realidad sa pamamagitan lamang ng panitikan ay isang kabaliwan o paghahambog.  Sa palagay ko, isa ring kalokohan na itatwang nakakatulong ito sa pagbabago.”[26]

♦♦♦

PAGTULA: PAANO NGA BA MAGSISIMULA? Matapos ang pagtalakay na teoretikal hinggil sa kasaysayan ng tula at ang “gamit ng tula,” panahon naman pagtuunan ng pansin kung paano mo magagawa ang iyong piyesa.

Sa totoo lamang, walang madali o mahirap na paraan kung paano isulat ang isang tula. Walang eksaktong pormula o gabay kung paano mo ito sisimulan. Ang mahalaga, magsimula kang magsulat.

Paksa. Maraming maaaring paksain ang isang tula. Subalit gaya nang nabanggit na, hindi lamang ang pag-ibig at pagsinta, kalibugan at kagandahan ang karapat-dapat na pagtuunan ng pansin sa pagtula. Dahil kung gayon, sabi nga ni Jesus Manuel Santiago,

Kung ang tula ay isa lamang

pumpon ng mga salita,

nanaisin ko pang ako’y bigyan

ng isang taling kangkong

dili kaya’y isang bungkos

ng mga talbos ng kamote

na pinupol sa kung aling pusalian

o inumit sa bilao

ng kung sinong maggugulay,

pagkat ako’y nagugutom

at ang bituka’y walang ilong,

walang mata.

Malaon nang pinamanhid

ng dalita ang panlasa

kaya huwag,

mga pinagpipitaganang makata

ng bayan ko,

huwag ninyo akong alukin

ng mga taludtod

kung ang tula ay isa lamang

pumpon ng mga salita.[27]

Ibig sabihin, dapat ang paksain ng tula o anumang gawang pampanitikan o maging pang-sining man, ang tunggalian sa lipunang Pilipino.

Kagaya ng banggit ni Sison sa kanyang talumpati para sa pagtitipon ng U.P. Writer’s Club noong 1983:

Ang pinakamahalagang usapin at tunggalian sa lipunan ay nananawagang matukoy, mailahad, at malutas sa mga akdang pampanitikan. Ang sambayanan ay pinahihirapan ng mapaniil na pasismo—na mapait na bunga naman ng pyudalismo at dominasyon ng dayuhan—sa mabilis na lumalalang krisis pampulitika at pang-ekonomiya; at magiting silang nagbabalikwas upang igiit ang kanilang pambansa-demokratikong karapatan at ipaglaban ang kanilang kalayaan.[28]

Ibig sabihin, ang panawanga para sa mga makata ngayon ay ang isulat pakikibaka ng masang sambayanan, ang kanilang kaapiha’t tagumpay, habang patuloy namang inihahantad at nilalansag ang gawain ng mga nang-aapi, alalaong baga ang pangunahing mga kalaban ng sambayanan: ang mga burgesyang komprador (may-ari nang naglalakihang negosyong monopolyo), panginoong maylupa at ang Imperyalismong US na nagsisilbing “amo” nila.

Dapat ding mabatid ng isang nagbabalak na maging makata na ang tanging ang lipunan lamang at ang nakikibakang sambayanan ang tanging hindi mauubos na bukal ng mga ideya at insipirasyon sa pagkatha:

The life of the people (the masses) is always a mine of the raw materials that are crude, but most vital, rich and fundamental; they make all literature and art seem pallid by comparison; they provide literature and art with an inexhaustible source, their only source. They are the only source, for there can be no other.[29]

Tula ko’y para kanino – usapin ng ‘audience.’ Baka naman malito ka, at sabihin mong sino ang sambayanan o sino ang masa? Paliwanag ni Sison:

Kapag binabanggit ko ang sambayanan, ang tinutukoy ko ay ang masang anakpawis na manggagawa, magsasaka at iba pang demokratikong pwersa tulad ng petiburgesyang lungsod at pambansang burgesya.[30]

Sila, ang bumubuo sa 99 porsiyento ng populasyong Pilipinong pinagsasamantalahan ng mapagsamantalang uri—ang mga burgesyang komprador at panginoong maylupa, kasapakat ang imperyalistang amo nila.[31]

Para sa masa at hindi para sa sarili. Sabi nga ni Nadine Gordimer, pagsipi sa kanya ng makata, manunudling, peryodista at makabayang gurong si Rogelio L. Ordoñez,

“Hindi puwedeng sabihin kong ako’y isang manunulat lamang… at mga paksang tungkol lamang sa manunulat ang tatalakayin ko. Isa rin akong tao at kung basta na lamang inaagawan ng karapatan ang isang tao, basta na lamang ikinukulong, binibimbin sa kulungan nang walang kaukulang paglilitis at hindi pinalalaya ni ipinagsasakdal, dapat na mahigpit na tutulan ng sinuman ang bagay na ito.”[32]

Ibig sabihin, dapat nang iwaksi ang kaisipang indibiduwalista sa panitik at marapat napag-aralang isapi ang sarili sa malawak na pakikibaka ng aping sambayanan. Gaya nga ng pahayag ni V. I. Lenin, ang lider-rebolusyonaryo ng Rusya:

Literature cannot be a means of enriching individuals or groups: it cannot, in fact, be an individual undertaking, independent of the common cause of the proletariat…Literature must become part of the common cause of the proletariat, “a cog and a screw” of one single great Social-Democratic mechanism set in motion by the entire politically-conscious vanguard of the entire working class. Literature must become a component of organised, planned and integrated Social-Democratic Party work.[33]

♦♦♦

MAHALAGA ANG PAKIKISANGKOT. Gayunman, ang mahusay na pagsusulat ng tula o anumang akdang pampanitikan ay hindi lamang nasasalalay sa “pagkaalam” lamang sa paksa o “kumuha”lamang ng inspirasyon buhat sa sambayanan. Mahalaga ang tahasang pakikisangkot sa pakikibaka ng sambayanan, ang pakikimuhay sa masang anakpawis, at patuloy na pagsusuri sa kongkretong mga kalagayan ng lipunang Pilipino at maging sa pakikibalita sa nagaganap na pakikibaka ng iba pang inaaping mga mamamayan sa ibayong-dagat o sa buong mundo. Sa pamamagitan ng paglubog sa “batis ng inspirasyon ng makata,” hindi magtatagal ay magiging kaisa na siya ng batis na iyon at magiging madali ang pagdaloy ng tinta mula sa kanyang pluma—para sa sambayanan.[34]

♦♦♦

LUMA O BAGO? Sa usapin ng kung paano magsusulat, sinabi ni Mao Zedong, na maaaring sinaunang anyo ng panitikan para mapaglingkuran ang sambayanan. Paliwanag niya:

We should take over the rich legacy and the good traditions in literature and art that have been handed down from past ages in China and foreign countries, but the aim still to serve the masses of the people.[35]

Kaya, maaari nating gamitin ang tradisyunal o makabagong anyo ng panulaan para ilahad ang katotohanan tungkol sa nagaganap sa lipunan at sambayanang Pilipino, sa kasalukuyang naghaharing sistema. Maaari nating hubugin o bigyan ng bagong anyo ang iba’t ibang anyo ng tula (oda, awit, korido, atbp.) upang maging instrumentong pansining ng pagmumulat at paglilingkod sa masa.[36]

Katunayan, magandang hakbang ito upang madaling mapopularisa ang isang akda o gawang sining. Gayunman, dapat din namang isaalang-alang ang “pagtataas” ng kamalayan ng ating mambabasa—bilang pagbabalik ng pabor sa ating batis na iniinuman para matighaw ang ating pagkauhaw sa paglikha ng mga akda.[37] Pero, maaari rin namang gamitin ang makabagong mga anyo ng panulaan (free verse, atbp.).

Sa kabilang banda, pinakamahalagang sangkap pa rin, para makalikha ng magagandang akdang pampanitikan, ang malawak at makulay na imahinasyon. Sabi nga ni Sison:

Ngunit isang bagay lamang ang magkaroon ng wasto at progresibong kaisipan at pampulitikang pananaw. Ibang bagay din naman ang paglikha ng pinakamahusay na akdang pampanitikan. Ang husay sa pagsulat ay nangangailangan ng masining na imahinasyon. Napapaloob dito, hindi lamang ang isip, kundi ang natatanging kaisahan sa isip at damdamin; ang laman at anyo; ng paksa at estilo, at iba pa.[38]

FILIPINO O INGLES? Nagtatalo rin sa isip ng isang makata at manunulat kung saang wika dapat isulat ang kanyang akda. Mayroong payo si Sison ukol diyan:

Ang paggamit ng pambansang wika ay may mapagpasyang papel sa pagpapasigla kapwa sa paglikha ng proletaryadong panitikan at sa interes ng masa sa proletaryong akdang pampanitikan. Ito rin ang maghihiwalay sa sagad-sagaring maka-imperyalistang liberal at iba pang reaksiyunaryong malikhaing manunulat na nais magpanatili ng kanilang teoryang pampanitikan at panlasa na mula sa reaksyunaryong burges na mga aklat sa Ingles dulot na rin ng pangingibabaw ng kulturang US.[39]

Subalit huwag isipin ng mga nagsusulat sa Ingles na “binabalewala” ang kanilang kakayahan sa pagsulat o minamalasado ang kanilang pagiging makabayan. Sa kongkretong kalagayan ngayon ng panitikan at sa katangian din namang internasyunalista ng rebolusyonaryo o progresibong panitikan at sining, hindi isinasantabi ang pagsusulat sa Ingles—alang-alang sa mambabasang dayuhang hindi nakaiintindi ng Filipino. Datapwa, higit na dapat mahalagahin ang wikang sarili dahil ito ang siyang bigkis nating lahat tungo sa pagkakaisa.

♦♦♦

HULING TALA. Masalimuot, masakit at mahabang proseso ang paghuhubog ng akdang pampanitikan na mayroong panlipunang halaga. Gayunman, kapag ang iyong mga akda ay naisanib sa apoy ng dagat ng kaisipang bayan, isa iyong karangalang higit pa sa bigay ng Palanca, SEAWrite at Pulitzers.

♦♦♦

Hakbang-hakbang na pamamaraan sa pagsulat ng inyong unang akda:

  1. Magbulay-bulay o maglimi (meditate) sa paksang ibig ninyong sulatin. (Hal. Extrajudicial killings, repormang agraryo, etc.). Kasama sa prosesong ito ang pag-alam sa mga tiyak na datos o impormasyon hinggil sa paksa (estadistika, mga pangalan, eksaktong tala ng pangyayari, salaysay, atbp.)
  2. Sa daloy ng kaisipan, isulat ang tula. Hayaan munang bumukal sa isip ang diwa ng tula at ipasa ito sa papel.
  3. Basahing muli ang isinulat. Limiin kung tama ba ang ginamit na mga salita, talinghaga o paghahalintulad. Ang tula ay gaya nang tubig; dapat itong dumaloy nang walang sagka, malaya at madulas para na rin sa kapakanan ng mambabasa.
  4. Sundin ang payo ni Ho Chi Minh at Mao Zedong sa pagtula—pagaangin ang mabibigat na paksa; gamitin ang wika ng masa; subalit huwag silang gawing hangal, katawa-tawa, imoral o napakababa. Itaas ang kanilang kamalayan habang ikaw rin naman, bilang makata, ay nagpapatayog at nagpapanday ng iyong sining para sa kanila.
  5. Huwag kang matakot sa puna. Kung paanong ang malulubhang sakit ay kailangan ng pagbubusbos (surgery) gayundin ang akdang pampanitikan.
  6. Gumawa ng sariling estilo, sa malaon.
  7. Gawing kasiya-siya ang pagsusulat sa pamamagitan ng laging paghugot ng inspirasyon mula sa batis ng mga inspirasyon: ang masa.

TALASANGGUNIAN:

______________. “Paano makikilala an bumubuo sa sambayanang Pilipino?” Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, (Luzon: Palimbagang Sentral), 2000.

“Poem,” Accurate & Reliable Dictionary, A free English-English Online Dictionary (2010). http://ardictionary.com/Poem/8230 (accessed August 22, 2010).

Agoncillo, Teodoro A. History of the Filipino People, 8th Ed., Quezon City: GaroTech Books, Inc., 1990.

Alliance of Concerned Teachers. “Ang Kasalukuyang Krisis sa Edukasyon at ang Ating Kampanya,” April 22, 2007. http://www.actphils.com/2007//educsit; (accessed August 22, 2010)

Barcelona, Noel S. Ngayong National Poetry Month: Ang Tula at Lipunan, (Electronic Version) PINAS: The Filipino’s Newspaper, Pasig City: Swara Sug Media Corp., March 29, 2010. http://www.pinasglobal.com/2/2010/03/lathalain/ngayong-%E2%80%98national-poetry-month%E2%80%99-ang-tula-at-lipunan/. (Accessed August 22, 2010)

Florentino, Alberto S.,“Social Comment in Theater,” in  Literature and Society: A Symposium on the Relation of Literature to Social Change Manila: Alberto S. Florentino, publisher, 1964

Gordimer, Nadine. As cited by Rogelio L. Ordoñez, in Noel Sales Barcelona’s essay, “Ngayong National Poetry Month: Ang Tula at Lipunan,” published in PINAS: The Filipino’s Global Newspaper, Marso 29, 2010. http://www.pinasglobal.com/2/2010/03/lathalain/ngayong-%E2%80%98national-poetry-month%E2%80%99-ang-tula-at-lipunan/ (accessed August 22, 2010)

Guillermo, Gelacio. “Ibahin ang Paksa? Ang Kasalukuyang Panulaang Makabayan sa Panahon ng Krisis at Rebolusyon,” a paper read  in “Asintado: Ang Makata sa Panahon ng Krisis” Bulwagang Rizal, U.P. Faculty Center, on November 18, 2005. Bulatlat Newsweekly Magazine, Vol. V No. 44, (Quezon City: Alipato Publishing, Inc.); http://bulatlat.com/news/5-44/5-44-paksa.htm (accessed August 22, 2010)

Hernandez, Amado V. Isang Dipang Langit: Katipunan ng mga tula ni Amado V. Hernandez. Quezon City: Ken, Inc., 1996.

Ho Chi Minh. Ho Chi Minh Quotes, BrainyMedia.com (2010), http://www.brainyquote.com/quotes/quotes/h/hochiminh162586.html (accessed August 22, 2010).

Lenin, V. I., Party Organisation and Party Literature (1905), Marxists Internet Archive Edition, 2001. http://www.marxists.org/archive/lenin/works/1905/nov/13.htm (accessed, August 22, 2010)

Mao Zedong, “Talks at the Yenan Forum on Literature and Art,” from the Selected Works of Mao Tse-tung (Peking (Beijing): Foreign Languages Press), 1967*

Meyer, Michael S. The Bedford Introducation to Literature, Boston, MA: Bedford Books of St. Martin’s Press, 1990.

Panganiban, Jose Villa, Consuelo Torres Panganiban & Genoveva Edroza-Matute. Panitikan ng Pilipinas (Quezon City: Bede’s Publishing House, Inc.), 1982.

Remollino, Alexander Martin S. “Hindi na Lamang Ako Tutula,” Kilometer 64 Multiply Site, December 10, 2008. http://kilometer64.multiply.com/journal/item/68/Hindi_Na_Lamang_Ako_Tutula (accessed August 22, 2010)

Santiago, Jesus Manuel, “Kung ang Tula ay Isa Lamang,” 1976; as cited by Alexander Martin S. Remollino, in his essay titled “ANG DIYALEKTIKANG HINDI NAMAN DIYALEKTIKA NG ANYO AT NILALAMAN SA PANULAAN”,   November 13, 2009, http://ourthoughtsarefree.blogspot.com/2004/09/ang-diyalektikang-hindi-naman.html. (accessed August 22, 2010)

Sison, Jose Ma. S. “Panitikan at Paninindigan,” Ulos, August 1999 (ARMAS).

Wikipedia contributors, “Poetry,” Wikipedia, The Free Encyclopedia, http://en.wikipedia.org/w/index.php?title=Poetry&oldid=380062918 (accessed August 22, 2010).

Wikipedia contributors, “History of poetry,” Wikipedia, The Free Encyclopedia, http://en.wikipedia.org/w/index.php?title=History_of_poetry&oldid=361170098 (accessed August 22, 2010).

Wilde, Oscar. “The Soul of Man under Socialism,” (libcom.org, 2007), http://libcom.org/library/soul-of-man-under-socialism-oscar-wilde (Accessed August 22, 2010)


[1] “Ho Chi Minh Quotes,” BrainyMedia.com (2010), http://www.brainyquote.com/quotes/quotes/h/hochiminh162586.html (accessed August 22, 2010)

[2] Batay sa datos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) – Philippines, na ibinatay rin sa impormasyong nakalap mula sa Department of Education (DepEd), sa 100 batang Pilipinong papasok sa unang baitang sa elementarya: 66 ang magtatapos ng Grade 6; 58 ang tutuloy sa high school;  43 ang magtatapos ng high school; 23 ang tutuloy sa kolehiyo; 14 ang magtatapos ng kolehiyo. (“Ang Kasalukuyang Krisis sa Edukasyon at ang Ating Kampanya,” ng Alliance of Concerned Teachers, Abril 22, 2007; http://www.actphils.com/2007//educsit; accessed August 22, 2010)

[3] Inulat ng Ibon Foundation, Inc. – isang indipendiyenteng ahensiyang pampananaliksik na 66 porsiyento ng populasyong Pilipino ay maralita. (Mula sa Vital Signs – Poverty, 2010) http://ibon.org/ibon_vitalsigns.php?page=poverty; accessed August 22, 2010)

[4] Random House Webster’s Dictionary, 4th (Edition. New York: Ballantine Books, 2001), p. 553

[5] “Poem,” Accurate & Reliable Dictionary, A free English-English Online Dictionary (2010). http://ardictionary.com/Poem/8230 (accessed August 22, 2010)

[6] “Poetry,” Wikipedia, The Free Encyclopedia, http://en.wikipedia.org/w/index.php?title=Poetry&oldid=380062918 (accessed August 22, 2010).

[7] Amadon V. Hernandez. “Ilang Sariling Palagay,” mula sa Isang Dipang Langit: Katipunan ng mga tula ni Amado V. Hernandez (Quezon City: Ken Incorporated, 1996), p. ii.

[8] Teodoro A. Agoncillo, The History of the Filipino People, (Quezon City: GaroTech Books, Inc., 1990), p.

[9] J. Villa Panganiban, C. T. Panganiban & G. E. Matute, Panitikan ng Pilipinas (Quezon City: Bede’s Publishing House, Inc., 1982), pp. 9 – 10

[10] Amado Guerrero, Philippine Society and Revoluion, 4th ed. (Oakland, CA: International Association of Filipino Patriots, 1979), p. 5; Agoncillo, 57.

[11] Michael Meyer, “The Pleasure of Words,” from The Bedford Introduction to Literature, 2nd ed. (Boston, MA: Bedford Books of St. Martin’s Press, 1990), p. 496

[12] Wikipedia contributors, “History of poetry,” Wikipedia, The Free Encyclopedia, http://en.wikipedia.org/w/index.php?title=History_of_poetry&oldid=361170098 (accessed August 22, 2010).

[13] Agoncillo, p. 57

[14] Panganiban, et al., p. 3

[15] Agoncillo, p. 58

[16] Michael Meyer, p. 497

[17] Alberto S. Florentino, “Social Comment in Theater,” in Literature and Society: A Symposium on the Relation of Literature to Social Change (Manila: Alberto S. Florentino, publisher, 1964), pp. 55 – 56

[18] Oscar Wilde, “The Soul of Man under Socialism,” (libcom.org, 2007), http://libcom.org/library/soul-of-man-under-socialism-oscar-wilde (Accessed August 22, 2010)

[19] “Indvidualism,” Glossary of Terms, Encyclopedia of Marxism (1999, revised 2008), http://www.marxists.org/glossary/terms/i/n.htm (accessed August 22, 2010)

[20] Jose Ma. Sison, “Panitikan at Paninindigan,” Ulos (Artista at Manunulat para sa Sambayanan (ARMAS), Agosto 1999), Philippines, p. 80

[21] Ibid.

[22] Hernandez, p. ii.

[23] Noel S. Barcelona, Ngayong National Poetry Month: Ang Tula at Lipunan, (Electronic Version) PINAS: The Filipino’s Newspaper, Pasig City: Swara Sug Media Corp., March 29, 2010. http://www.pinasglobal.com/2/2010/03/lathalain/ngayong-%E2%80%98national-poetry-month%E2%80%99-ang-tula-at-lipunan/.  (Accessed August 22, 2010)

[24] Ibid.

[25] Alexander Martin S. Remollino, “Hindi na Lamang Ako Tutula,” Kilometer 64 Multiply Site, December 10, 2008. http://kilometer64.multiply.com/journal/item/68/Hindi_Na_Lamang_Ako_Tutula (accessed August 22, 2010)

[26] Gelacio Guillermo, Ibahin ang Paksa? Ang Kasalukuyang Panulaang Makabayan sa Panahon ng Krisis at Rebolusyon (Binasa noong 18 Nobyembre 2005 sa “Asintado: Ang Makata sa Panahon ng Krisis” sa Bulwagang Rizal, U.P. Faculty Center.  Inisponsor ang simposyum ng KM64), Bulatlat Online Newsweekly Magazine Vol. 5, No. 44, Quezon City: Alipato Publications, Inc.; http://bulatlat.com/news/5-44/5-44-paksa.htm. (accessed August 22, 2010)

[27] Jesus Manuel Santiago, “Kung ang Tula ay Isa Lamang,” 1976; sinipi ni Remollino, sa kanyang sanaysay na “ANG DIYALEKTIKANG HINDI NAMAN DIYALEKTIKA NG ANYO AT NILALAMAN SA PANULAAN”,   Nob. 13, 2009, http://ourthoughtsarefree.blogspot.com/2004/09/ang-diyalektikang-hindi-naman.html. (accessed August 22, 2010)

[28] Sison, p. 78

[29] Mao, p. 13

[30] Sison, p. 78.

[31] “Paano makikilala an bumubuo sa sambayanang Pilipino?” mula sa Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, (Luzon: Palimbagang Sentral, 2000) pp. 108 – 109

[32] Nadine Gordimer, pagsipi ni Barcelona kay Ordoñez, sa kanyang sanaysay na lumabas sa PINAS: The Filipino’s Global Newspaper, Marso 29, 2010. http://www.pinasglobal.com/2/2010/03/lathalain/ngayong-%E2%80%98national-poetry-month%E2%80%99-ang-tula-at-lipunan/. (accessed August 22, 2010)

[33] V. I. Lenin, Party Organisation and Party Literature (1905), Marxists Internet Archive Edition, 2001. http://www.marxists.org/archive/lenin/works/1905/nov/13.htm (accessed, August 22, 2010)

[34] Ibid., p. 11.

[35] Mao Zedong, “Talks at the Yenan Forum on Literature and Art,” May 2, 1942, p. 9

[36] Ibid.

[37] Ibid.

[38] Sison, p. 79

[39] Ibid., 82


* The copy that the author has is an undated copy and no publication info. For safety, the author had included in the Bibliography the English Translation of Mao’s Collected Works, published by the Foreign Language Press in Peking, now Beijing, China.