Si Rogelio L. Ordoñez at ang Panitikan ng Uring Anakpawis

Ani Jose Ma. Sison, ang nangungunang lider rebolusyonaryo sa Pilipinas at isa sa 100 pinakamahahalagang Marxista sa daigdig, sa kanyang talumpating naisulat mula sa piitan sa Fort Bonifacio, para sa Kumperensiya ng UP Writers’ Club noong 1983,

“Sa tingin ko, may kabuluhang panlipunan at pangkultura ang dakilang panitikan sa iba’t ibang panahon sa daigdig at ang pangunahing akdang naisulat sa kasayasayan ng Panitikan ng Pilipinas na sumasalamin, nang malalim na pag-unawa, sa kalagayang panlipunan at sa pakikibaka para sa higit na kalayaan.

Batay sa kongkretong katibayang-pangkasaysayan, hinihikayat ko ang lahat ng malikhaing manunulat na Pilipino na ilaan ang kanilang puso, isip at kada sa pakikibaka para sa kalayaan. Walang alinlangang magiging makabuluhan ang kanilang akda dahil sinasalamin, pinagyayaman at binibigyang inspirasyon ang pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Dapat mas epektibo kasay nakaraan ang paglilingkod ng panitikan sa sambayanan. (Panitikan at Paninindigan, Ulos, Agosto 1999 p. 78)

Sa puntong ito, binigyang-diin ni Sison ang kahalagahan ng paglilingkod sa sambayanan ng alinmang akdang pampanitikan upang magkaroon ito ng ganap na kabuluhan sa kabila nang ang gawaing pagsusulat, pag-amin na rin Sison ay isang suhetibong gawain:

“Ang malikhang pagsusulat ay isang gawaing lubhang suhetibo; pinagsasanib nito ang isip at damdamin. Isa ito sa pinakamatalas at pinakamataas na produkto ng kamalayan ng tao. Isa itong mahalagang sangkap ng kultura na angat ngunit hindi hiwalay sa ekonomiya at pulitika. At ang kultura ay sumasalamin at nakaugnay kapwa sa ekonomya at pulitika.  (Op. Cit., p. 78)

Kung ganito ang magiging pamantayan ng pagsusuri sa isang makabuluhang akdang kayang makipagtagalan sa panahon, dahil na rin sa pagtangkilik ng masang sambayanan, masasabing natupad ni Rogelio Lunasco Ordoñez ang rekisitong ito, bago pa ito naisulat ni Sison sa piitan at muling maitatag, na nasasalalay sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, ang Partido Komunista ng Pilipinas—ang itinuturing na taliba at abanteng destakamento ng uring Proletaryado noong Disyembre 26, 1968, dahil naikiling niya ang kanyang panulat sa pagsasalarawan ng aping kalagayan ng sambayanan.

Paliwanag ni Sison ukol sa terminong sambayanan,

“Kapag binanggit ko ang sambayanan, ang tinutukoy ko ay ang masang anakpawis na manggagawa, magsasaka, at iba pang demokratikong pwersa tulad ng petiburgesyan lungsod at pambansang burgesya…  (Ibid., p. 80)

Salamin ng sinasalot na lipunan at sambayanang Pilipino

a. Imperyalismo at Piyudalismo

Mahigit 70 porsiyento ng populasyong Pilipino ang mga magsasaka. Sila rin, kasama ng mga mangingisda, an pinakamaralitang sektor ayon sa National Statistical Coordination Board.

Itinuturong dahilan ng karalitaan sa kanayunan ang kawalan ng lupa. Kumbersiyon at pangangamkam ng lupa ang pangunahing dahilan ng kawalang lupain ng mga magsasaka.

Ulat ni Anakpawis Rep. Rafael “Ka Paeng” Mariano, na siyang pambasang tagapangulo rin ng militanteng samahang magsasaka, ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) noong 2008, milyun-milyong magsasaka ang napalalayas sa lupaing kanilang sinasaka dahil sa iba’t ibang kadahilanan: ang kumbersiyon ng lupang agrikultural patungong residensiyal at komersiyal.

Sabi ni Mariano sa kanyang talumpati sa International Conference on Peasant Rights na inorganisa ng Indonesian Peasant Union at La Via Campesina mula Hunyo 21-24, 2008 sa  Jakarta, Indonesia, sinasabing 1,302,375 ektaryang lupain sa Timog Katagalugan ang ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR), ang ahensiya ng gobyernong tapagapatupad ng bogus na repormang agraryo ni yumaong president Corazon C. Aquino, sa mga kompanya, lokal at dayuhan, para ikumbirte sa komersiyal, industriyal at residensiyal na mga gamit.

Ganito rin ang naganap sa dalawang kuwento ni Ordoñez na Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya (The Philippine Collegian, Agosto 29, 1968; Mga Agos sa Disyerto, p. 133) at Si Anto (isinalin sa Ingles noong 1997 para sa Tenggara-Malaysia at isinama sa antolohiyang Stories from Southeast Asia; Agos, p. 146).

Sa isang di-pinangalanang bayang malapit sa lungsod, at sa bukiring malapit sa perokaril, ginulantang ng mapait na katotohanang wala nang lupaing sasakahin ang magbubukid, kabilang na si Lino:

Maagang tumakas ang ulan sa mga ulap at ang mga bitak ng bukiring iyon na nasa makalabas lamang ng lungsod at malapit sa daangbakal ay unti-unting nagsitikom. Tumingala sa langit ang nanginginaing mga kalabaw at ang mga kuhol na nagbaon sa buong panahon ng tag-araw sa gilid ng nangagdipang mga pilapil ay nagsimulang umahon at gumapang patungong sa mga pinitak. Naglundagan ang mga palaka, nagsipagsayaw at umawit. Nagkagulo ang mga ibon, nagliparan patungong kanluran, sapagkat sa bukiring iyon, wala ni isa mang punongkahoy. Nag-utlawan ang mga damo sa dibdib ng lupa at sa loob lamang ng ilang araw, ang dating naninilaw na bukiring iyon ay naging luntian..

Sa mga dampa na halos nakikipagtanawan lamang sa nagsisiksikang mga barungbarong na nasa magkabilang gilid ng daangbakal, ang nalalabing mangilan-ngilang magsasaka’y nagsipaglinis na agad ng mga yugo at araro at suyod, lumubid ng mga pamitik, at ng mumunting mga pangarap…

Umulan nang umulan, hanggang ang kabukirang iyon ay nagmistulang isang munting karagatang hindi umaalon. Inayos ng mga magsasaka ang kanilang mga salaam at punlaan, inihanda ang mga binhi at pinasan ang mga araro, isiningkaw ang mga kalabaw, at sinumulan na nilang sugatan ang malambot at hindi na tumututol na dibdib ng lupa hanggang isang araw, bigla na lamang sumulpot sa kabukirang iyon ang katiwala ng may-ari ng mayamang lupang iyon.

“H’wag na kayong mag-araro pa,” sabi nito. “H’wag na kayong magtanim ngayon.”

“Ba’t po, Kabesa? Nakapagpunla na po kami.”

“Wala tayong magagawa. Pinalalayas na kayo rito ng me-ari.” (Mga Agos sa Disyerto, p. 134)

Gaya nang pagbubunyag ng KMP, dayuhang monopolyo kapital, kasabwat ang lokal na mga naghaharing-uri—mga propiyetaryo at burgesyang komprador, ang pangunahing nangangamkam ng lupain ng mga magsasaka. Hindi nakapagtatakang sa kuwentong Inuuod, ang dayuhang si White, na arketipo ng imperyalismong US, ang nakabili at nakapagpatayo ng pabrika sa lupaing iyon na malapit sa perokaril:

Mula sa bintana ng nagsisiksikang mga barungbarong, kapag parang dugo nang kumukupas ang mapupulang latay ng liwanag sa kanluran at nagsisimula nang umindak-indak ang malamlam at malungkot na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong, malimit nakapangalumbaba ang mga babae, matagal na tititig sa gusaling iyon na parang malaking kabaong na batbat ng ilaw kung gabi, saka nila manaka-nakang sinusulyapan ang mga lalaki. Malimit ding manaog, pagkahapunan, ang mga lalaki at umpuk-umpok na magsisiupo sa gilid ng daangbakal, tititig sa gusaling iyon at sa kadiliman ng daangbakal na tinatanglawan lamang ng naggalaw-galaw, tumaas-bumaba, pumikit-dumilat na baga ng kanilang sigarilyo, halos paanas silang mag-uusap.

“Pabrika daw ng tela ‘yan, at Kano ang me-ari.”

“Senga?”

“Oo, Pare. Malapit na raw buksan.”

“Totoo?”

“Oo! Tiyak na maraming trabahador ang tatanggapin.”

“Matanggap sana tayo kahit kargador, kahit diyanitor, basta’t trabaho!” (ibid. p. 138)

Kung mapait ang karanasan ni Fajardo, mas mapait naman ang dinanas ni Anto:

“Ay ano pa ga?” patuloy ni Mando. “Ala’y di nagdemandahan. Natalo si Ka Basilio dahil wala raw titulo. Mga ilang araw, muling dumating dito ‘yong taga-bayan, may kasama pang mga pulis. Tinaningan sina Anto para umalis doon. Ay, Manong, nag-iiyak si Ka Benita, ‘yong ina ni Anto, at sa sama ng loob ay biglang inatake sa puso… namatay noon din. Ala’y pagkalibing naman ni Ka Benita… ay muling dumating, isang araw, ‘yong taga-bayan, may kasama na namang mga pulis, at gigibain iyong bahay nina Anto. Ala’y di sa galit ni Ka Basilio ay binunot ang kanyang gulok. Ay, Manong, nanghabol ng taga. Bago siya nabaril ng mga pulis ay dalawa ang napatay niya… (Si Anto, p. 149)

b. Burukrata kapitalismo

Sa pulitikang Pinoy, uso ang padronismo. Kapag malakas ang kapit sa “itaas,” may pagpapala. Ang mahina ang kapit, malalalaglag.

Gaya nang nangyari kay Andong sa kuwentong Buhawi (Ang Quezonian, Pebrero 7, 1962; Agos, p. 119), tinanggal siya sa trabaho dahil sa hindi niya ibinoto ang kongresistang may proyekto sa karsadang kanyang ginagawa.

“Bakit daw?” Tumalungko si Andong sa gilid ng kanal. Tumalungko rin si Pentong…

“Aywan natin,” mulung dumura at lumunuk-lunok si Pentong. “Pero may balita ako na ang tatanggalin lamang ay ang lahat ng hindi bumot sa nanalong kongresista.”

Kinabahan si Andong. Ngayon niya nadama ang nadadarang na sikat ng araw. Ngayon siya nakaramdam ng hapo. Ngayon niya narinig ang dagundong ng pisnon, ang bahaw na lagapak ng mga piko, ang sigaw ng kanilang kapatas at ang pagkakaingay ng kanyang mga kasamahan.

Hindi siya bumoto sa nanalong kongresista! (p. 121)

Paliwanag ng librong Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (Pambasang Kawanihan sa Edukasyon-Partido Komunista ng Pilipinas, 2000), p. 91, pinaiiral ng mga negosyanteng pulitiko ito ang patakarang pasismo at tahasang panunupil sa mga mamamayan, sa utos na rin ng kanilang among dayuhan at burgesya-komprador (may-ari nang naglalakihang negosyo at impresa at maging malalaking lupain).

Gaya nang naganap sa Inuuod…, Buhawi, at Si Anto, ginagamit ng mga ito ang mga istruktura at aparatong legal gaya ng mga hukbong sandahatan (AFP o mga sundalo), ang pulisya, maging ang mga hukuman at mga bilangguan upang supilin ang mga mamamayan.

Pansining ang mga sundalo at pulis ang kasama ng mga mangagamkam ng lupa upang palayasin ang mga magbubukid sa mga kuwentong Inuuod at Si Anto; sa Anto, ginamit din ang hukuman para gipitin ang pamilya ni Anto na matagal nang naninirahan sa lupaing ipinamana pa sa kanila ng kanilang mga ninuno.

Sa kasalukuyang lipunang Pilipino, malaganap ang ganitong uri ng panggigipit at pagmamalupit sa masang magbubukid: taong 1987, Masaker sa Tulay ng Mendiola at Lupao sa Nueva Ecija at noong Nobyembre 17, 2004 ang masaker ng mga manggagawang bukid sa Asyenda Luisita na pagmamay-ari nina Cojuangco-Aquino, ang sinasabing “Ina ng Repormang Agraryo.”

Larawan ng mararahas na tunggalian ng mga uri

Ani V. G. Afanasyev, sa kanyang aklat na Historical Materialism, habang umuunlad ang kapitalismo, gayundin ang proletaryado at ang mga anyo ng pakikiabaka niya laban sa burgesya ay lalong naiiba at mas matalas. May tatlong porma ang pakikibaka ng uring proletaryado—ekonomiko, pulitikal at ideolohikal. (p. 57)

Sa mga kuwentong Dugo ni Juan Lazaro, Buhawi at Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya, ipinakikita ang pakikibaka ng mga manggagawa para sa sahod, trabaho at karapatan.

Sa sitas sa ibaba, kongkreto at malinaw ang obserbasyon ni Ordoñez hinggil sa tunggalian sa pagitan ng kapital at paggawa, kasuwato ng obserbasyon ni Karl Marx, sa kanyang Teorya hinggil sa Sahod, Presyo at Tubo (mula sa Value, Price and Profit, talumpati ni Marx sa First International Working Men’s Association, Hunyo 1865):

“Putang ‘nang White ‘yan,” sabi minsan ng isa nilang kapwa trabahador sa dapithapong magkasabay silang lumalabas sa dambuhalang pabrikang iyon. “Wala yatang kaluluwa! Matagal na tayo rito, di man lang tayo inuumentuhan. Alam niyang pambili lang ng pandesal ang suweldo natin. Malaki naman ang kinikita ng pabrikang ito. (Inuuod.,139)

Sa kuwentong Dugo…, sa pagkakita ng mga manggagawa sa kabusabusang dinaranas, at katulad ng pag-unlad ng kapital, gayundin umuunlad, gaya nang nasabi na, umuunlad din ang kanyang kamalayan at natututong sama-samang kumilos.

Gayunman, dahil mula pa noon ay batid na ng imperyalismong US at ng mga bataan nito, ang namunukod na rebolusyonaryong potensiyal at papel ng uring manggagawa, magkaalinsabay na ipinatutupad ng mga ito ang mararahas at malulupit na panunupil sa katulad na kilusang pinamumunuan ni Kadyo at ang pagpapalaganap ng pambansa at makauring kolaborasyon, repormismo at ekonomismo, makitid na pananaw at kabulukan sa kilusang manggagawa.

Malinaw ang nabanggit sa kaso ni Mando: na minarapat na magtrabaho para buhayin ang sarili, kahit ang kahulugan niyon ay ang pagtatraydor sa kanyang mga kauri. (p. 115, 117, 118)

Dahil dito, nagiging antagonistiko, o marahas din, ang nagiging tugon din ng lumalabang manggagawa:

Bigla ang hindi magkamayaw na mga hugong na pumuno sa diwa ni Andong. Iglap niyang sinunggaban ang nakasandal na piko sa sulok ng bodega. Itinaas. At hinabol niya ang nakatalikod at papalayong kapatas.

Iniwan ni Andong na nakabaon ang matulis na dulo ng piko sa kaliwang mata ng nakabulagtang kapatas. (Buhawi, p.124-125)

Ganito rin sa mga magsasaka:

Kinabukasan ay kumalat ang balitang pinatay si Ka  Mamerto, ginilit ang leeg, nilaslas ang tiyan, at lumuwa, diumano, ang bituka. (Si Anto, p. 162)

Ordoñez at ang kanyang tugon sa hamon ng makabagong kultura at pag-iisip

Sa isang bahagi ng kasaysayan ukol sa pagbubuo ng PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan, Disyembre 18-19, 1971), mababasa ang ganitong paninindigan:

“Sapagkat ang kultura ay repleksiyon lamang ng balangkas ng alinmang lipunan, at sa ating bansa, isang mala-piyudal at mala-kolonyal na sosyedad ang umiiral dahil sa mapambusabos na puwersa ng imperyalismong Amerikano at ng mga lokal nitong tuta – gaya ng mga ganid na asendero-komprador at mga tusong burukratang kapitalista – hindi katakatakang sa kasalukuyang panahon, isang burges at reaksiyonaryong panitikan ang ipinipilit na isalaksak ng naghaharing-uri sa kaisipan ng sambayanan para patuloy silang makapaghari at makapagsamantala sa matagal nang api at aliping masa.

“Bukod sa pasista at reaksiyonaryong estadong pinasususo ng imperyalismong Amerikano at ginagamit ng naghaharing-uri sa pagsikil sa sambayanan, ang kultura ay isa ring mabisang sandata ng mga ito para sapilitang lasunin ang kaisipan ng masang Pilipino. Dahil sa masamang epekto ng ganitong klase ng kultura, patuloy na nakapanghuhuthot ang imperyalismong Amerikano at ang mga kasabwat nitong uri sa ating bansa.

“Sapagkat bahagi ng kultura ang panitikan, at sapagkat ang mga manunulat ay taliba ng lipunan, isang tungkuling hindi dapat talikuran ng mga ito ang patuloy na paglikha ng literaturang kumakatawan, nakikisangkot at nag-aangat sa adhikain ng aping sambayanan, isang literaturang bubusbos sa bulok na lipunan, isang panitikang pangmasa na makalilikha at makabubuo ng isang hindi maigugupong puwersang rebolusyonaryo na magwawasak sa mapanikil na imperyalismong Amerikano – tungo sa pambansang demokrasya.”

Kagaya nang nasabi ni Mao sa kanyang talumpati sa Yenan, na siya rin—sa abang palagay—ay naging batayan ng pahayag ng makabayang mga manunulat na bumuo ng PAKSA na nasusulat sa itaas:

Sa mundo sa kasalukuyan, lahat ng kultura, lahat ng panitikan at sining ay nabibilang sa depinidong mga uri (classes) at nakaugnay sa depinidong mga linyang pulitikal. Sa katotohanan, walang tinatawag na sining para sa sining lamang, sining na nangingibabaw sa lahat uri o sining na hiwalay sa, o indipendiyente sa pulitika. (salin ng may-akda sa isang bahagi ng Art and Literature: Talks at the Yenan Forum, p. 18)

Hindi maitatatwang natugunan ni Ordoñez ang nabanggit na mga rekisito; kung kaya, marapat lamang na basahin at muling pagtibayin ang kanyang mga akda na masasabing isa sa dapat na basahing mga akda ng mga rebolusyonaryo at umiibig sa kalayaan ng bayan at ng lahat ng uring anakpawis sa buong mundo. (Sigliwa.tk)

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s